2,021

Oct 5, 2019 @ 13:29
By

FX, truck nagsalpukan sa Quezon Province, 5 patay

Lima ang patay habang apat ang sugatan sa salpukan ng isang Tamaraw FX at truck sa Maharlika highway, Brgy. Bamban, Gumaca, Quezon Sabado ng umaga.

Batay sa report ng Gumaca police, apat na pasahero ng FX ang dead on the spot, isa ang dead on arrival sa ospital at apat din ang ginagamot pa sa dalawang pagamutan sa Gumaca kabilang ang isang kritikal pa ang kalagayan.

Ayon kay Pat Alejandro Veluz Jr., imbestigador ng Gumaca police, magkakaanak ang biktimang sakay ng FX na nanggaling sa Makati at Antipolo City at patungo sa Camarines Sur.

Kabilang sa nasawi ang mismong nagmamaneho ng FX na si Jimmy Cordovez Bron, 42, residente ng Cembo Makati City, na dead on the spot matapos maipit sa manibela ng nagkayuping-yupi na sasakyan.

Dead on the spot din ang asawa nito na si Razel Bron at ang kanilang anak na si JM Bron.

Nasawi rin kaagad sa loob ng sasakyan ang 15-anyos na si Emmanuel Junel Sagrit habang idineklara namang dead on arrival sa ospital ang 40 anyos na si Francisco Joel Abulencia Butardo, 40-anyos.

Kritkal naman ang 35 anyos na si Ulpiano Frias Clores, habang nakaratay pa rin sa ospital sina Fritcie Joyce Sagrit Butardo, 14; Fatima Jade Sagrit Butardo, 20 at Edna Sagrit Butardo.

Lumalabas sa imbestigasyon na sinakop ng FX ang linya ng kasalubong na truck na minamaneho ni Gerome Villar habang patungo sa direksyon ng Maynila.

Sinubukan pa umanong iwasan ng Villar ang truck subalit dahil sa parehong mabilis ang takbo ay hindi pa rin naiwasan ang salpukan na nangyari dakong alas 5:45 ng umaga.

Ayon pa sa pulisya, nakatulog umano sa pagmamaneho ang driver ng FX.

Kasalukuyan namang nasa custody ng PNP ang driver ng truck na si Villar na kakasuhan ng reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to property. (Ronilo Dagos)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?