43

Nov 12, 2021 @ 13:33
By

Fully-vaxxed pwede na mamasyal sa Boracay

Hindi na kailangang sumailalim ng RT-PCR swab test ng mga turistang nais magpunta sa Boracay simula Nobyembre 16.

“I’m happy to report na by November 16, next week, tatanggalin na namin yung requirement ng RT-PCR test sa mga lahat na pumupunta ng Boracay,” sabi ni Aklan Governor Florencio Miraflores nitong Biyernes.

Ngunit, kinakailangan ng mga turista na magpakita ng kanilang vaccination card para patunayan na sila ay ganap na nabakunahan laban sa coronavirus.

“Ang kailangan na lang, kung kumuha sila ng QR code nila, ang kailangan na lang, instead ng RT-PCR test na nire-require namin, magsa-submit na lang sila ng vaccination certificate or VaxCertPH under the DICT website, o kung mahirapan sila kumuha niyan, yung kanilang vaccination card na may QR code galing sa issuing LGU,” ani Miraflores.

Binigyang-diin ni Miraflores na ang mga hindi nabakunahan, o ang mga nagkaroon pa lamang ng isang dosis ay kailangan pa ring magpresenta ng RT-PCR test.

Aniya, mayroon silang mahigpit na sistema para sa mga magpapakita ng pekeng vaccination certificates.

“So gaya din ng ginagawa natin sa mga RT-PCR test na pagve-verify natin, so madali pa rin natin mahuhuli yan kung sino namemeke ng mga vaccination certificates,” paliwanag nito.

Sinabi ni Miraflores na 94 porsiyento ng mga manggagaw sa isla ay nabakunahan na laban sa COVID-19. (Sherrylou Nemis)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?