39

Jan 6, 2022 @ 14:01
By

‘Full-blast free mass testing’ panawagan ng labor group

Nanawagan ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa gobyerno na magsagawa ng full-blast free mass testing sa buong bansa para agad na matukoy kung sino ang nahawa ng COVID-19 at mapigilan ang pagkalat nito.

Pinuna rin ni TUCP President Rep. Raymond Democrito Mendoza ang agad na pagharang ni Health Secretary Francisco Duque III sa panukala sa halip na bumuo ng formula ng mass testing na magiging katanggap-tanggap sa lahat.

“Unless of course the Secretary has forgotten his science or is simply intimidated by the magnitude of the problem which will be uncovered with mass testing, and has contented himself with recommending cyclical lockdowns producing joblessness,” sabi ni Mendoza.

Sinabi ni Mendoza na mawawalan ng saysay ang paghihigpit ng gobyerno kung hindi makakapagsagawa ng malawakang mass testing. Sa pagsasailalim sa Alert Level 3 ng Metro Manila ay tinatayang 100,000 hanggang 200,000 ang nawalan ng trabaho.

“We ask Secretary Duque: ‘Which is far more costly? Repeatedly grinding down the economy to a halt resulting in increasing joblessness and poverty that will take us generations to recover from? Or allocate funds now for mass testing?” dagdag pa ni Mendoza.

Bilyun-bilyon na umano ang inutang ng gobyerno para makabili ng bakuna upang mabawasan ang naospital at hindi bumagsak ang health system ng bansa pero hindi umano makakabangon ang ekonomiya kung paulit-ulit din ang paghihigpit.

Ang kailangan umanong gamitin ng gobyerno ngayon ay Test-Trace-Treat approach at hindi mamili kung sino lang ang iti-test.

Hindi rin umano nakikita ang totoong whole-of-government-approach. “We now see, is ball passing from one agency to another.”

“For government response to be truly wholistic, it must now step-up, starting with a full-blast, free mass testing nationwide which can effectively control the spread of any emerging variants,” wika pa ni Mendoza.

Nanawagan din ang TUCP sa Department of Labor and Employment (DOLE) na ipatawag ang National Tripartite Industrial Peace Council (NTIPC) upang makagawa ng kasunduan kaugnay ng libreng testing sa mga empleyado bakunado man o hindi.

Dapat din umanong bigyan ng tax incentive ng gobyerno ang mga employer na magbibigay ng libreng test sa kanilang mga kawani para mabawasan ang kanilang pasanin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?