3
freight-service-pnr

Freight service ng PNR bubuhayin vs port congestion

Sharing is caring!

Nakatakdang simulan muli ng Philippine National Railways (PNR) ang kanilang freight service para masolusyunan ang lumalalang port congestion at masikip na daloy ng trapiko sa Roxas Boulevard.

Ayon kay PNR General Manager Junn Magno, target nilang maisakatuparan ang pagbuhay sa naturang serbisyo ngayong taong ito, katuwang ang Metro Pacific Investments Corporation.

Kumpiyansa siya na malaki ang maitutulong ng PNR freight service sa port congestion, gayundin ang masikip na daloy ng trapiko sa Roxas Boulevard, kung saan karaniwang dumaraan ang mga trak na may dalang kargamento.

Sa ilalim ng serbisyo, anim na 30-wagon trains ang ide-deploy upang magkarga ng cargo gabi-gabi na makapagbabawas ng hanggang 3,000 trak na dumaraan sa Roxas Boulevard araw-araw.

Ang PNR, na dating tinatawag na Manila Railroad Co. at may 1,000 kilometrong riles, ay dati nang nagdadala ng mga kargamento at mga pasahero mula La Union hanggang Legazpi City.

Gayunman, sa paglipas ng mga panahon ay napabayaan ito kaya’t nalimitahan ang operasyon ng hanggang 28 kilometro na lamang.

Tiniyak naman ni Magno na gumagawa na sila ng mga pamamaraan upang mapaghusay muli ang serbisyo ng PNR dahil na rin sa dumaraming mananakay nito sa araw-araw.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?