167

Nov 9, 2017 @ 17:57
By

Free tuition sa 112 SUCs, simula na ngayong 2nd sem

Hindi na pagbabayarin ng tuition at miscellaneous fees ngayong ikalawang semestre ang mga estudyante ng 112 state university at college (SUCs) sa buong kapuluan.

Ayon kay Senador Bam Aquino, inabisuhan siya ng Commission on Higher Education (CHED) na uumpisahan nang ipatupad ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act o ang Republic Act 19031.

Unang binalak ng pamahalaan na ipatupad ang batas umpisa sa school year 2018-2019 pero nakita ng CHED na maari na itong simulan ngayong kalahati ng school year 2017-2018.

“Kahapon, kinumpirma ko na implemented na po ito this second semester. So lahat ng mag-e-enrol this second semester, dapat wala nang kinokolektang tuition at miscellaneous expenses,” wika ni Aquino, isa sa mga nag-akda ng RA 10931.

“Iyong mga staff natin at mga partners sa iba’t ibang lugar, tinitingnan na ang mga SUCs kung wala silang kokolektahing tuition at miscellaneous expenses,” dagdag pa ng senador.

Para ito matustusan, ipinaloob na sa panukalang year 2018 national budget ang P40 bilyon para sa mga SUCs.

Kaugnay nito, hinikayat ni Aquino ang mga estudyante na hindi nakatapos ng kurso sa kolehiyo na magtanong sa mga SUCs kung maaari silang bumalik para tapusin ang kanilang pag-aaral.

“Natutuwa kami dahil ang batas na ito ay hindi lang para sa kasalukuyang naka-enroll pero sa mga nag-drop-out dahil puwedenilang ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral nang libre,” wika ng mambabatas.

Sa batas na ito, mabibigyan ang mga estudyante ng libreng edukasyon sa state universities and colleges (SUCs), local universities and colleges (LUCs) at vocational schools ng TESDA.
Maliban sa tuition, sagot na rin ng pamahalaan ang miscellaneous at iba pang bayarin. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?