23
abante-tnt-vismin-fraternities

Frats, sororities sinuspinde ng UST

Sharing is caring!

Nagdesisyon ang University of Sto. Tomas (UST) Office for Student Affairs na suspendihin ang recognition sa lahat ng mga fraternity, sorority at iba pang kahalintulad na organisasyon sa kanilang eskuwelahan.

Sa isang-pahinang dokumento na pirmado ni UST OSA Director Ma. Socorro Guan Hing, nagpasya silang suspendihin ang proseso ng aplikasyon para sa recognition ng mga fraternity kasunod ng hazing na kinasangkutan ng Aegis Juris kung saan namatay ang civil law student na si Horacio “Atio” Castillo III.

Layunin umano ng nasabing hakbang na maprotektahan ang mga estudyante ng unibersidad mula sa kapahamakan nang dahil sa pagsali sa mga aktibidad na may kasamang hazing.

Paiiralin ang nasabing suspensiyon para sa academic year 2018 hanggang 2019 o hanggang sa maglabas ng panibagong abiso ang UST-OSA.

Kasabay nito, pinahihinto rin ng UST-OSA ang mga organisasyon sa pagre-recruit ng mga estudyante at pagsasagawa ng alinmang aktibidad.

Inaatasan din ang lahat ng mga estudyante na huwag sumali sa mga fraternity, sorority at sa mga samahan na walang akreditasyon mula sa UST-OSA alinsunod na rin sa itinatakda ng Code of Conduct and Discipline ng UST. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?