aegis-juris-2
By

Fratmen na suspek sa Atio Castillo murder case, pinatapon sa Manila City Jail

Sharing is caring!

Ipinag-utos na ng Manila Regional Trial Court Branch 20 ang paglilipat sa 10 miyembro Aegis Juris na kinasuhan dahil sa pagpatay sa law student na si Horacio “Atio” Castillo III sa Manila City Jail.

Ito ay matapos na mabigo ang mga miyembro ng fraternity sa apela nito na manatili sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pangamba sa kanilang buhay.

Kabilang sa pinalilipat sina Arvin Balag, Mhin Wei Chan, Axel Munro Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Ralph Trangia, Robin Ramos, Jose Miguel Salamat, Danielle Hans Mattew Rodrigo at Marcelino Bagtang.

Kaugnay nito, binigyan ng MRTC ang warden ng NBI Detention Center ng 48 oras para iturn-over ang sampu sa city jail.

Inutusan naman ng korte ang warden ng Manila City Jail na dalhin ang mga akusado sa Branch 20 sa July 24 sa ganap na 8:30 ng umaga para sa nakatakda nitong arraignment.

Matatandaang ipinagpaliban ang arraignment ng mga frat members na haharap sa kasong paglabag sa anti- hazing law dahil sa nakabinbin nitong apela sa Department of Justice (DOJ).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?