54

Oct 28, 2017 @ 9:56

Frat member na pumiyok sa Atio hazing, gigisahin muli ng Senado

Pababalikin ni Senador Ping Lacson sa pagdinig ng Senado ang lahat ng mga myembro ng Aegis Juris fraternity na hinihinalang nakapatay kay Horatio “Atio” Castillo sa hazing rites.

Pangunahin sa gustong paharapin muli si Marc Anthony Ventura, ang frat member na umamin at pumiyok ukol sa kanilang pagbugbog kay Atio.

Ayon kay Lacson, chairman ng Senate committee on public order, hihingin nila ang buong salaysay ni Ventura upang maging bahagi ng kanilang record.

“Yes, para ma-incorporate formally sa records ng committee ang testimonya ni Ventura,” sagot ng senador kung ipadedetalye kay Ventura ang sinumpaang salaysay na isinumite nito sa Department of Justice (DOJ).

Si Ventura ay ipinasok na sa Witness Protection Program (WPP) ng DOJ.

Iimbitahin din ni Lacson si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na nagbantang kakasuhan ang media na nagsapubliko ng sinumpaang salaysay ni Ventura.

Sa patakaran, hindi umano isinasapubliko ang sinumpaang salaysay ng testimong ipinapasok sa WPP. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?