Sa ikalawang pagkakataon ay muling pangangasiwaan ni Dr. Francisco Duque III ang Department of Health matapos hirangin siya ni Pangulong Rodrigo Duterte kapalit ni dating Health Secretary Paulyn Ubial.
Ang appointment ni Secretary Duque ay inilabas ng Malacañang kahapon na may petsang October 26, 2017.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na hindi na bago kay Duque ang DOH dahil naging kalihim ito mula June 2005 hanggang 2010 sa ilalim ng Arroyo administration.
Hangad aniya ng Palasyo na maayos na magampanan ni Duque ang kanyang pagiging kalihim ng DOH.
“The Palace wishes to announce the ad interim appointment of Mr. Francisco T. Duque III as Secretary of the Department of Health (DOH). Secretary Duque is not new to the DOH. He used to be its Secretary from June 2005 to January 2010. We wish him well in his present stint in the government,” ang pahayag ni Abella.
Bukod sa pagiging health Secretary, nagsilbi rin si Duque bilang pinuno ng Civil Service Commission (CSC) at Philhealth.
Pinalitan ni Duque si dating Secretary Ubial matapos hindi makalusot sa makapangyarihang Commission on Appointments. (Aileen Taliping)