348

Sep 15, 2019 @ 19:23
By

Franchise renewal ng ABS-CBN nilalangaw sa Kamara

MANILA – Muling nilangaw sa Kamara ang panukalang franchise renewal ng broadcasting giant ABS-CBN nitong nakaraang linggo.

Sa nakaraang pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises sa ilalim ni Palawan Cong. Franz ‘Chicoy’ Alvarez, muling naetsapwera ang franchise renewal application ng Kapamilya network sa kabila ng limang panukalang batas na nakasalang para dito.

Mas inuna pang atupagin ng kumite ni Alvarez ang prangkisa ng tatlong kompanya kabilang na ang First United Broadcasting Corporation, Lanao del Norte Electric Cooperative, Bicol Light at Power Corporation (BLPC) sa kabila ng pagtutol ng ilang miyembro ng Franchise panel.

Paliwanag ni Alvarez, mas minabuti nilang unahin na i-refer sa plenaryo ng Kamara ang franchise application ng mga nasabing kompanya bilang pagsunod sa Section 48 ng House rules.

Pinapahintulutan ng nasabing patakaran na bilisan ang pagtalakay sa mga panukalang lehislasyon na inaprubahan na ng nakalipas ng Kongreso subalit bigong maging ganap na batas.

Bigong umusad ang franchise renewal application ng ABS-CBN sa ilalim ng 17th Congress, sa likod ng pagbabanta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibi-veto niya ito kung sakaling makalusot sa dalawang kapulungan ng Kongreso

Mapipilitang magsara or hindi maka-ere ang Kapamilya network kung hindi mare-renew ang kanilang kasalukuyang prangkisa bago sumapit ang Marso 2020.

Limang panukalang batas ang isinampa na Kamara ubang makapag-operate muli ABS-CBN ng panibagong 25 taon.

Hindi pa malaman kung kelan ang susunod na pagdinig ng Franchise panel dahil masyado pang abala ang mga kongresista sa panukalang P4.1-trilyong pambansang budget para sa 2020.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?