94

Apr 7, 2018 @ 19:47
By

Four-peat ng San Miguel, dugo’t pawis ang puhunan

Hindi madali ang pinagdaanan ng tropa ni coach Leo Austria bago masikwat ang record-tying four-peat sa All Filipino Cup.

Literal na dugo at pawis ang pinagdaanan ng koponan para makarating sa kinalalagyan nila ngayon.

“Na-form itong team na ito because of the brilliance of our boss Ramon S. Ang. The confidence and trust na binigay niya sa akin,” bulalas ng 60-anyos na mentor mula sa Sariaya, Quezon.

Kuwento ni Austria, sa ensayo pa lamang ay ibinubuhos nang lahat ng kanyang players kaya pagdating sa hardcourt ay iisang musika na sila.

“Maybe this is because of the experience we had. Sabi ko nga kanina na-develop ang character, the winning attitude, and now they have the heart of a champion, na hindi basta-basta papatalo sila,” aniya.

Napantayan ng Beermen ang marka ng Crispa Redmanizers na apat na sunod na taong kampeon sa All Filipino Conference taong 1979, 1980, 1983 at 1984 at nananatili ring malinis sa finals outing si Austria sa anim na salang.

Pero gutom pa sa mas maraming kampeonato ang tropa ng mga serbesa.

Si June Mar Fajardo, ang moog na sandigan ng koponan sa nagdaang apat na taon para makumpleto ang four-peat sa Philippine Cup, sinabing hindi nila magagawa ito kung wala silang tiwala sa isa’t isa.

“Thankful ako sa teammates ko na hindi kami nag-give up,” kuwento ng four-time reigning MVP, na tila sinapian ng demonyo nang kumabayo ng 42 puntos at 20 rebounds sa Game 5 kagabi para tapusin ang serye kontra Magnolia Ang Pambansang Manok sa iskor na 108-99 matapos ang dalawang overtime period.

Ayon pa sa Finals MVP na si Fajardo, hindi niya magagawa ang lahat ng ito kung hindi sa tulong at tiwala ng kanyang mga kakampi.

“Lahat kami MVP. Hindi ko kayang gawin ito kung hindi sa kanilang lahat,” saad ng 6-10 behemoth. (Vladi Eduarte)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?