51

By

Fountain of Youth natuklasan ni Thoss

Nadiskubre na raw ni Sonny Thoss ang ‘fountain of youth’ kaya parang hindi 37-anyos nang sumalang sa knockout game ng Alaska kontra NLEX sa MOA Arena Biyernes ng gabi.

Halimaw ang laro ni Thoss, tumabo ang 6-foot-7 Fil-German ng game-high 21 points. 5 rebounds, 2 assists at 1 steal kontra 1 turnover para tulungan ang Aces sa 88-80 panalo at sikwatin ang huling tiket sa quarterfinals ng PBA Philippine Cup.

Nakapagbiro pa tuloy si coach Alex Compton sa sikreto ng kanyang 15-year veteran.

“We actually found what the great Ponce de Leon was looking for in Florida, the Fountain of Youth,” pakli ni Compton sa postgame interview. “So we bottled it, gave it to Sonny, and that’s what he’s been drinking in practice and he’s invigorated.”

Pantay halos sa apat na quarters ang distribusyon ng puntos ni Thoss sa loob ng higit 21 minutes.

“He’s turned back the clock this conference about 10 years,” dagdag ni Compton.

Natawa lang si Thoss nang makarating sa kanya ang sinabi ng coach. Hindi raw fountain of youth ang sikreto kundi ang alaga sa kanya ng team.

“Just trying to take care of my body, you know,” aniya. “I’m grateful for the medical staff, they’ve been working with me, trying to get my knee and my back better.”

Sinuwerte lang daw siya, ipinasa ang kredito sa depensa ng team.

“I got lucky with my shots going in,” dagdag ni Thoss. “But definitely, we did a good job as a team, that was the main positive there.”

Fountain of Youth o wala, kakailanganin muli ang tibay ni Thoss laban sa Phoenix. Bilang No. 8, kailangang dalawang beses talunin ng Aces ang top seed Fuel Masters para umabante sa semis. Umpisa ng bakbakan sa Pasay venue rin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?