59

Sep 7, 2021 @ 20:02
By

Forever ang COVID, ekonomiya buksan na – mga negosyante

Itinutulak na ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang buong pagbubukas ng ekonomiya kahit na hindi pa nakakamit ang target na herd immunity.

Tinawag ng pinakamalaking business organization sa bansa na istorbo sa mga negosyo ang anumang uri ng lockdown.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ni PCCI acting president Edgardo Lacson na maraming health expert ang nagsasabing imposibleng maabot ang herd immunity dahil patuloy sa pag-mutate ang virus at laging huli ang bakuna.

Dagdag niya, habambuhay nang magiging parte ng pamumuhay ang COVID pero maaari naman aniya itong makontrol sa pagsunod sa mga health protocol.

“The COVID-19 virus and its variants will be here forever but it can be contained by simply observing prescribed health protocols of masking, hand washing, and social distancing,” ani Lacson.

“It must be recognized by authorities that a lockdown, whether region-wide or granular, remains disruptive and a disincentive to business operations,” dagdag niya.

Gayunpaman, sinabi ni Lacson na may positibo namang implikasyon sa pagpapatupad ng granular lockdown na mag-aalis sa diskriminasyon sa pagitan ng mga essential at non-essential business dahil kapwa papayagan na ang mga itong magbukas.

Nitong Martes binawi ng Palasyo ang implementasyon ng General Community Quarantine status with Alert Level System sa Metro Manila.

Simula September 8 hanggang September 15 ay mananatili sa Modified Enhanced Community Quarantine ang Metro Manila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?