65

Feb 9, 2018 @ 15:39
By

Forensic pathologist ang dapat magsuri sa Dengvaxia victims – JV

Hinikayat ni Senador JV Ejercito ang Department of Health (DOH) na humanap ng bagong forensic pathologist para magsagawa ng bagong imbestigasyon sa mga batang hinihinalang namatay dahil naturukan ng Dengvaxia.

Ayon sa senador na chairman ng Senate committee on health, makakatulong ang third-party pathologist ngayong nagkokontrahan ang Public Attorney’s Office (PAO) at ang University of the Philippines – Philippine General Hospital (UP-PGH) sa resulta ng kanya-kanyang imbestigasyon.

Pinupuna ng UP-PGH ang deklarasyon ni PAO chief Atty. Persida Acosta na dahil sa Dengvaxia kaya namatay ang ilang bata na sinuri ng forensic expert ng PAO.

Inaakusahan naman ng PAO at ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang UP-PGH at ang Department of Health (DOH) na may bahid at hindi patas ang imbestigasyon.

Samantala, hinimok ni Ejercito ang DOH na paigtingin ang information drive ukol sa kaligtasan ng ibang bakuna.

Ibinabala nito ang pagkalat ng iba’t ibang karamdaman dalawa o tatlong taon mula ngayon kapag hindi napabakunahan ang mga bata nang dahil sa takot na idinulot ng Dengvaxia.

Sa pagdinig sa Kamara, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque na bumaba ang bilang ng mga bata na pinababakunahan lalo na sa Davao City at sa Mindanao kung saan saan kakaunti ang nagpapaturok ng bakuna laban sa tigdas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?