603
ABANTE-TNT-pamamaril-gun-kapitbahay

Mag-asawang negosyante, pinagbabaril sa loob ng 999 Mall

Dead on the spot ang isang negosyante habang sugatan ang misis nito nang ratratin sa mismong stall nila ng ready-to-wear sa ikalawang palapag ng 999 Mall, sa Reina Regente St., Binondo, Maynila, ngayong Sabado ng hapon.

Sa inisyal na ulat, nagtamo ng tama ng bala sa ulo at leeg ang nasawing biktima na pansamantalang kinilala sa pangalang Edilberto Lustado Pornobe, 60-anyos, Filipino citizen at residente ng No. 114 Nepa St., Balut, Tondo, may-ari ng ‘Dresscription’ stall.

Ang pagkakakilanlan ay base sa narekober na sirang driver’s license.

Isinugod naman sa Justice Jose Abad Santos General Hospital ang misis nitong si Maria Teresa Pornobe, 60, residente rin ng nasabing address dahil sa daplis ng bala sa magkabilang siko.

Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy pang nag-iimbestiga si SPO3 Jonathan Bautista ng Manila Police District-Homicide Section.

Nabatid na naganap ang pamamaril bago mag-alas-dos ng hapon (Marso 3) dahilan upang i-lockdown ang buong 999 Mall Building 2 kaya nagalit ang mga customer na hindi agad nakalabas.

Hindi naman pinayagang makapasok sa mall ang mga kostumer na nasa labas maging ang media ng mga security personnel.

Nagsagawa ng mahigpit na inspeksiyon ang mga kagawad ng Manila police at sini-secure naman ng SOCO ang crime scene.

Sa kasalukuyan ay pinanonood ng mga imbestigador ang kuha ng closed-circuit television (CCTV) kaugnay sa insidente.

Ilang mga saksi naman ang nagsabi na naging maluwag ang mga sekyu sa mall dahil hindi man lang sinita ang nasa tatlong lalaking suspek na pumasok na pawang naka-face masks na hindi tinanggal at may kaduda-dudang kilos dahil nagpanggap na mga customer sa mga pambabaeng damit. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?