70

Jul 19, 2021 @ 21:38

Foodpanda ‘wag tratuhing hayop mga rider – DOLE

Pinaiimbestigahan na ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III ang pagsuspinde ng food delivery app na Foodpanda sa kanilang mga rider.

Kinumirma ito ni Bello sa programang ‘Politiskoop’ sa Politiko Live kahapon kasunod ng pagprotesta ng ilang riders ukol sa kanilang kuwestyonableng pasahod at matapos mapatawan ng 10 taong suspensiyon na mag-operate sa Foodpanda.

“Foodpanda ‘yong mga kausap mo tao, pangalawa as tao basically as tao may rights ‘yan. And as laborers, workers or employees they also have rights. ‘Wag mo i-threaten ang mga tao. That is not a way to relate eith your workers or employees, Dapat pakinggan mo kung ano ang problema. Find out through a dialogue, paano mapagbigyan o maaayos ‘yong katanungan ng mga worker,” ayon pa kay Bello.

“I directed our undersecretary for Labor Relation to immediately conduct an inspection on the operation of Foodpanda. Wala namang silang karapatang mag-threaten. You have to listen, pakinggan mo ano ‘yong problema bakit sila nagpoprotesta,” dagdag pa ng kalihim.

Nilinaw rin ni Bello na hindi basehan ng pag-terminate ang pagsali sa mga kilos-protesta lalo na at sakop ng karapatan ng mga rider ang probisyon ng employment contract.

Si Lacopo Rovere, ang tumatayong CEO ng Foodpanda Philippines.

Nauna nang nanawagan si Senadora Risa Hontiveros sa DOLE na agad imbestigahan at aksiyonan ang mga “labor abuse” laban sa ilang food delivery riders sa bansa.

Konektado rin diumano ang pangyayari sa reklamo ng mga rider ukol sa bagong fare adjustment ng Foodpanda, kung saan maaring bumaba sa P20 lang ang kita ng mga rider kada delivery ride.

Sa Kamara ay pinaiimbestigahan din ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite ang pagsuspinde ng Foodpanda sa mga rider nito sa Davao City na sumali sa protesta.

“Napakaraming na ngang obligasyon sa Labor Code ang tinatakasan nitong Foodpanda dahil sa pagtuturing sa kanilang riders bilang freelancers sa halip na empleyado, umaabuso pa sila sa pagpapataw ng parusa sa mga rider nila na wala namang nilalabag na polisiya ng kompanya o maging batas,” sabi pa ni Gaite. (Dindo Matining/ Billy Begas/Zaerus Mariano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?