15

Jul 20, 2021 @ 10:06
By

FoodPanda pinanindigan sibakan sa protesta

Inamin ng food delivery service company na FoodPanda na ilang rider ang kanilang tinanggal dahil umano sa paglabag sa kanilang kasunduan.

Sa pahayag ng FoodPanda, sinabi nito na batid nila ang mga reklamong dinadaing ng kanilang mga rider tungkol sa fee structure, na nagdulot ng protesta sa Davao City dahil sa umano’y hindi klarong computation sa kanilang kinikita kada biyahe.

Paliwanag ng FoodPanda, may mga benepisyo ang kanilang mga rider tulad ng diskwento sa gasolina at mobile data, gayundin ang insurance at libreng merchandise.

“Rider pay structure takes into account route and distance among other factors, allowing for a fair pay structure that is higher than other industries,” ayon sa kompanya.

Matatandaan na inireklamo ng Davao United Delivery Riders Association Inc. ang FoodPanda dahil bumaba umano ang kanilang kinikita kada biyahe, na noo’y umaabot ng P75, ngunit ngayon ay bumagsak sa P28.

Nireklamo din ng grupo ang inaawas umanong P280 kada buwan ng FoodPanda para umano sa insurance policy, ngunit nang may madisgrasyang rider ay hindi raw nito nagamit ang naturang insurance.

Saad pa ng FoodPanda, kinailangan umano nilang magtanggal ng mga rider para masiguro ang tuloy-tuloy na serbisyo sa kanilang mga kustomer.

“To ensure continuity of service to our customers, we onboarded new riders and re-enboarded those who still wish to be our rider partner, after a screening process,” lahad pa ng delivery service app.

Nalantad na aabot sa 70 rider ang nasuspende ng 10 taon, ito ay iyong mga sumali sa rally para ireklamo ang umano’y labor abuse ng FoodPanda.

Umabot na sa ilang mambabatas at Department of Labor and Employment (DOLE) ang naturang isyu, nakatakdang magkaroon ng dayalogo ang FoodPanda at rider group sa July 26.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?