65

Jul 20, 2021 @ 18:28
By

Foodpanda garapal panggigipit sa mga delivery rider – De Lima

Nabahala si Senadora Leila de Lima sa balitang may mga Foodpanda rider sa Davao City na sinuspinde ng sampung taon dahil lamang sa hangaring ilabas ang kanilang hinaing tungkol sa kalagayan nila bilang mga manggagawa.

Ang mas nakakabahala pa, ayon sa senadora, ay hinikayat pa ang mga delivery rider na isumbong ang mga kasama nilang nagprotesta kapalit ng pagbawi sa suspensyon.

“Bakit ganito na lamang kagarapal kung gipitin ang ating mga manggagawa at sa gitna pa ng isang pandemya? Hindi makatao at hindi makatarungan!” pahayag ng mambabatas.

Sabi ni De Lima, ang mga ganitong harapang panggigipit at pang-aabuso ay bunga ng mga polisiyang hindi kumikilala sa mga food delivery rider bilang “empleyado” ng mga kompanyang pinagtatrabahuhan nila.

“Nangangailangan ng kagyat na imbestigasyon ng DOLE ang pangyayaring ito. Walang employee-employer relationship kung kaya’t wala ring proteksyon ang mga katulad nilang manggagawa,” ani De Lima.

“Panahon na upang tingnan ang kalagayan ng mga tinatawag nating mga gig worker at magkaroon na ng labor standards para sa kanilang proteksyon at ng kanilang mga benepisyo at katiyakan sa trabaho,” saad pa nito.

Sabi pa ni De Lima, “Muli tayong nananawagan, kasama ang ating mga rider para sa pagtitiyak sa 3Ks ng ating mga gig worker na sa ating tingin ay dapat pangalagaan ng gobyerno: kapakanan, kaligtasan, at kinabukasan.”

“‘Wag po sanang kalimutan ng ating mga kababayan na hindi aangat ang ating ekonomiya kung pababayaan at hahayaan nating mamatay at magutom ang ating mga manggagawa at ang kanilang mga pamilya,” sambit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?