59
Fontilla pabida, St. Clare bumira
Feb 21, 2019 @ 19:43
By ,

Fontilla pabida, St. Clare bumira

Binalikat ni Joshua Fontilla ang Saint Clare-Virtual Reality Saints sa 92-78 panalo kontra Go For Gold-CSB Scratchers sa PBA Developmental League Huwebes sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Umararo ng 27 puntos si Fontilla, kabilang ang 15 sa fourth canto, kung saan bumulusok ito nang husto habang bumakas naman 13 puntos si Junjie Hallare.

“Siguro po andun po ‘yung eagerness na manalo po, ito po ‘yung dino-double time namin kumbaga ito na ‘yung naging resulta, ‘yung panalo po namin ngayon,” sabi ni Fontanilla.

Ayon kay Saints coach Jino Manansala, naging malaking tulong sa panalo nila ngayon ang mga scouting report na natanggap nila kaya’t napaghandaan nila ang Foundation Cup champs.

“Ang sikreto ko lang nag-double practice ako, pinaghandaan ko talaga. Malaking bagay ‘yung scouting report sa CSB noong opening game,” ani Manansala.

Nagawa pang bumalikwas pabalik ng Scratchers nang lumamang ito 60-59 sa pagsisimula ng fourth canto hanggang sa makuha nito ang 65-62 na bentahe sa huling 8:38 ng laro.

Pero agaran ding ito binura ng Saints sa pagbulusok ni Fontanilla kasabay nang pag-ariba ni Ray Rubio na rumehistro 11 puntos, kabilang na ang pitong puntos sa fourth.

Bumandera naman sa panig ng CSB si Justin Gutang na tumapos ng 16 na puntos at may 13 puntos na ambag si Kendrix Belgica.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?