70

Dec 2, 2017 @ 12:31

Floyd Mayweather, nag-ampon ng panda

Wala mang reputasyon ng pagiging ‘malambot’, ngunit nagpakita ng pagiging ‘pusong mamon’ si Floyd Mayweather matapos mag-ampon ng isang baby giant panda sa China.

Pinangalanan niya ang kanyang panda na ‘TMT Floyd Mayweather’.

Ngunit kinailangan ng 40-anyos na Amerikanong boksingero na iwan ang panda sa bahay nito sa China at mag-iwan na lang ng 100,000 yuan ($15,000) na ibinayad niya bilang adoption fee na mapupunta sa research center na siyang nag-aalaga sa panda.

Una umanong pinangalanang Maodou (soy bean) ang kanyang alagang panda na pinanganak noong Hulyo ng 2016.

Ang ‘TMT’ sa kasalukuyang pangalan ngayon ng panda ay pinaiksing brand ni Mayweather na ‘The Money Team’.

Ang donasyong ito ni Mayweather ay nagpapahintulot sa kanya upang mabisita ang inampong panda at tawagin ito sa pangalan na kanyang nais.

Matapos ang pagtalo nito kay Conor McGregor sa all-time richest fight sa boksing bago magretiro sa pangalawang pagkakataon, nag-e-enjoy na ang dating undefeated champion kung saan namasyal ito sa China at pupunta sa Beijing, Chengdu, Shanghai, Hong Kong at Macau.

Wala umanong sinabi si ‘Money’ kung ano ang layon ng kanyang paglalakbay ngunit sinabi nito sa kanyang Instagram account na binayaran siya para rito.

“Coming here with 23 people has been a great experience and it doesn’t hurt to get paid $3,000,000 to simply visit and vacation here in luxury for a few days,” ani Mayweather sa larawan niya sa Great Wall of China sa IG.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?