17

By

Flesh-eating bacteria, ikinasawi ng preso sa Manila City Jail

Sharing is caring!

Namatay ang isang preso ng Manila City Jail (MCJ) matapos umanong tamaan ng bacteria na tinatawag na “necrotizing fasciitis”, isang flesh-eating disease.

Ang nasawi ay kinilalang si Gerry Baluran na nakulong dahil sa kasong illegal gambling.

Ayon kay Jail Senior Inspector Jayrex Bustinera, tagapagsalita ng MCJ, nitong nakaraang araw ng Linggo ay nawalan daw ng malay si Baluran na tadtad ng tila naaagnas na sugat sa katawan.

Agad na isinugod sa pagamutan ang bilanggo pero binawian ng buhay makalipas ang ilang oras.

“Non-healing wounds po sa bahagi ng kanyang katawan, sa paa, sa likod. Noong tsine-check po ng nurse ‘yung kanyang kondisyon, napansin po na unconscious na po siya. At doon din pong time na ‘yun ni-refer at sinugod po siya sa ospital. Dineclare po siyang dead by 12:01 a.m.,” sabi ni Bustinera.

May isa ring bilanggo na kinilala lamang sa pangalang Fredo ang umiinda ng mahahapding sugat, hindi na makatayo at halos namamanhid ang kanyang katawan dahil sa mga bilugang sugat sa kanyang likod.

Parehong galing sa Station 9 ng Manila Police District (MPD) ang dalawang preso bago sila magkasabay na inilipat sa MCJ nitong Hulyo 5.

Pero ayon kay Bustinera, “Hindi na ho siya pinasok sa selda, hindi na siya hinalo sa ibang inmate kasi nga po iniiwasan natin na makahawa po.”

Inamin naman ng pamunuan ng Station 9 na pito sa halos 100 nakakulong sa kanila ay may malubhang sakit sa balat.

Ayon sa Centers for Disease Control ng Estados Unidos, ang necrotizing fasciitis ay isang klase ng impeksiyon na dulot ng iba’t ibang klase ng mikrobyo na pumapasok sa mga sugat sa katawan ng isang tao.

Sinisira raw ng mga mikrobyong ito ang mga tissue sa ilalim ng balat kaya’t nagmumukha itong nabubulok. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?