21

Sep 13, 2021 @ 16:51
By

Fitch Solutions: PDP-Laban bangayan sapol ekonomiya

Banta sa pag-ahon ng ekonomiya ang nangyayaring pamumulitika ngayong papalapit na ang eleksyon at binabantayan ito ng isang credit rating agency na binaba na ang grado ng Pilipinas sa isyu ng political instability o sa tinatawag nitong short-term political risk index.

Sabi ng Fitch Solutions, nakasasama ang pag-aaway sa loob ng PDP-Laban sa paglalatag ng mga patakaran ng bansa o ang tinatawag nitong policy-making at tumitindi pa ang iringan sa pagitan ng kampo nina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Manny Pacquiao kaugnay ng nalalapit na 2022 elections.

Para sa Fitch, naghahamon na si Pacquiao kay Pangulogn Duterte noon pang Hunyo sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) at korapsiyon kaya sinipa ang senador ng kampo nina Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi bilang pangulo ng PDP-Laban.

“With the two camps at loggerheads over leadership of the party and who should receive party backing for the presidential and vice presidential elections, there is a risk that policy-making processes will slow as attention is turned to political jostling rather than measures to speed up the Philippines’ economic recovery from the COVID19 pandemic and longer-term reforms,” sabi ng Fitch.

Paliwanag ng Fitch, binaba nito ang grado ng Pilipinas sa short-term political risk dahil sa gulong dala ng pamumulitika tulad ng pagkaantala sa pagpasa ng 2022 national budget na magiging dahilan para muling ibaba nito ang grado ng bansa.

Dahil sa gulo sa loob ng PDP-Laban, hindi na umano simpleng labanan lamang ng mga pro at anti-Duterte ang magiging labanan at malaki ang pagkakataon na hindi mananalo ang kandidato ng PDP-Laban sa pagkapangulo.

Dagdag pa ng Fitch, napupunta ang atensyon ng administrasyon sa away politika imbis na sa pagbubukas at pagsuporta sa ekonomiya.

“Focus will likely shift away from the need to boost the Philippines’ vaccine uptake rates and address supply issues while we highlight the potential for delays to the passing of the 2022 budget before year-end,” sabi nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?