146

Nov 6, 2017 @ 15:19

Fish porter ginilitan habang natutulog

Namatay ang isang lalaki matapos na traydurin siyang saksakin sa leeg habang natutulog ng kanyang nakainuman na kanya umanong nakadebate sa tagayan sa Navotas City kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat nina PO3 Phillip Edgar Valera at PO1 June Paolo Apilledo, ng Navotas City Police, ganap umanong ala-1:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Block 6, Bagong Silang St., Barangay San Jose ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan umano noong natutulog sa isang bangkuan na gawa sa kahoy ang lasing na biktimang si Anthony Mabansag, 23-anyos, binata, fish porter helper at residente ng nasabi ring lugar, saka nilapitan ng suspek na si Arjhay Oliva, nasa hustong gulang, ng Sta. Maria, Bulacan na armado ng patalim saka pinagsasaksak sa leeg ng tatlong beses.

Nasaksihan ito ng nakababatang kapatid ng biktima na si Alvin Mabansag na siyang humingi ng saklolo, ngunit hindi na rin nagawa pang maisugod sa pagamutan ang biktima dahil binawian ito ng buhay habang sinubukang habulin ang suspek ngunit hindi na rin nila ito naabutan.

Napag-alaman sa pulisya na bago ang insidente ay masaya pa umanong nag-inuman ang tatlo ngunit nagkaroon ng maliit na debate sa pagitan ng biktima at ng suspek.

Kasalukuyan nang tinutugis ang tumakas na suspek. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?