130

Oct 20, 2017 @ 15:00

Fish broker binoga sa ulo, patay

Naging huling agahan na ng isang 59-anyos na fish broker ang pagkain niya kahapon ng madaling-araw matapos na barilin ito ng hindi pa nakikilalang suspek habang nasa isang karinderya sa lungsod ng Navotas.

Kinilala ang biktimang si Reynaldo Gungon, fish broker at residente ng S. Policarpio St., Barangay San Jose ng nasabing lungsod, na agad na nasawi matapos magtamo ng bala sa kanyang ulo mula sa isang hindi pa nakikilalang salarin na agad na tumakas matapos ang insidente.

Sa ulat ni Navotas City Police-Homicide investigator PO3 Paul Roma, ganap umanong alas-singko ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa loob ng Tita Fanny’s Eatery sa kanto ng C-4 Road at San Marcos St., Barangay Bagumbayan North.

Ayon sa mga nakasaksi, kumakain umano ng kanyang umagahan noon ang biktima nang mapadaan ang isang lalaking lulan ng isang motorsiklo at napabalik-tingin pa nga umano kay Gungon at nang makita ito, doon na bumunot ng baril ang suspek saka bumaba ng kanyang motorsiklo at malapitang pinaputukan sa ulo ang fish broker.

Matapos ang insidente ay agad ding tumakas ang suspek.

Sa pagsisiyasat naman ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), isang empty shell at deformed slug mula sa hindi pa nalalamang kalibre ng baril ang narekober sa pinangyarihan ng krimen.

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya at nag-request na rin ng kopya ng footage mula sa security camera sa lugar na posibleng may malinaw na kuha sa itsura ng suspek na patuloy pa ring tinutugis. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?