1,880

Dec 29, 2018 @ 20:04

First aid sa napaso, nasunog o naputukan

Kasabay ng papalapit na pagdiriwang ng bagong taon ay ang pagtaas naman ng mga kaso ng nabibiktima ng mga paputok.

Karamihan sa mga ito ay mga bata, o mga taong walang malay na aksidenteng nahahagisan lang ng paputok.

Dahil dito, itinaas na ng Department of Health sa “Code White Alert” ang lahat ng tanggapan at ospital na nasa ilalim nito nang sa gayon ay mas maging alerto ang mga ospital sa mga kaso ng naputukan at nasugatan nang dahil sa paputok.

Ngunit ano nga ba ang dapat gawin kung sakaling maputukan ng paputok?

Ano ang mga paunang lunas, lalo na kung malayo ang pagdadalhang ospital?

Narito ang ilang hakbang na dapat gawin sa oras na mabiktima ng paputok, ayon kay Dr. Willie Ong:

First Aid: Nasunog (Burns):

– Patuluan ng malamig na tubig ang nasunog na balat sa loob ng 10-15 minuto.

– Pagkatapos, puwedeng tapalan ng kitchen wrap o cling wrap ang nasunog na parte para hindi ito mag-impeksyon. Huwag tapalan ng madikit na tela o tape.

– Kung may pagdurugo, diinan ang sugat (apply pressure) ng 10 minuto hanggang sa tumigil ang pagdurugo.

– Dalhin ang pasyente sa ospital para mabigyan ng dagdag lunas.

– Tandaan: Huwag hawakan ang nasunog na parte. Huwag lagyan ng lotion, cream at kung anu-ano pa. At huwag ding puputukin ang blister (lapnos) sa balat.

First Aid: Naputukan o Malaking Sugat:

– Hugasan ng tubig gripo ang sugat sa loob ng 10 minuto.

– Linisin ang sugat gamit ang sabon at tubig. Gumamit ng alkaline soap tulad ng Perla o Dove.

– Puwedeng tapalan ng kitchen wrap o cling wrap ang nasunog na parte para hindi ito ma-impeksyon. Huwag tapalan ng madikit na tela o tape.

– Kung may pagdurugo, diinan ang sugat (apply pressure) ng 10 minuto hanggang sa tumigil ang pagdurugo.

– Dalhin ang pasyente sa ospital. May iba pang puwedeng ibigay sa ospital tulad ng bakuna laban sa tetanus, antibiotics at pagtahi ng mga sugat.

– Kung may naputol na daliri, kunin agad ang naputol na daliri at ilagay ito sa plastic bag na may yelo. Dalhin agad sa ospital at baka maidugtong pa ito ng mga doktor.

First Aid: Nakakain ng Paputok (Firecracker ingestion)

– Pakainin ang pasyente ng hilaw na egg white. Sa mga bata, pakainin ng 5-6 egg white. Sa mga matatanda, bigyan ng 8-10 egg white. Makatutulong ang egg white sa pagbawas ng pinsala ng paputok.

– Kung hindi gusto ang lasa ng egg white, dagdagan ng orange juice o soft drinks para magkalasa.

– Huwag pasukahin ang pasyente. Baka masugat lang ang lalamunan niya.

– Dalhin sa ospital para sa tamang gamutan. Huwag din bigyan ng oxygen at baka sumabog pa ang paputok.

First Aid: May Dumi Sa Mata (Naputukan)

– Patuluan ng tubig gripo ang apektadong mata sa loob ng 10 minuto para matanggal ang dumi.

– Huwag hawakan ang mata o piliting tanggalin ang dumi sa mata. Ang agos ng tubig lang ang puwedeng gamitin.

– Takpan ang mata ng malinis na tela. Dalhin agad ang pasyente sa ospital para ma-check up.

First Aid: Nakalanghap Ng Usok

– Dalhin ang biktima sa mahanging lugar. Huminga ng dahan-dahan at malalim.

– Kapag nahihirapang huminga, dalhin agad sa ospital ang pasyente.

– Sa mga may hika o sakit sa baga, umiwas sa mga mauusok na lugar. Manatili lang sa loob ng bahay o mahangin na lugar. (IS)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?