92
arrested
Oct 27, 2017 @ 16:38

Financier ng Maute group, dinakip sa QC

Nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Quezon City Police District (QCPD), National Capital Region Police Office (NCRPO), National Intelligence Coordinating Agency at AFP Naval Intelligence Service Group-NCR ang isang negosyante na sinasabing financier at miyembro umano ng grupong Maute-ISIS sa Novaliches, Quezon City kamakalawa ng umaga.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang nadakip na suspek na si Rasdy Malawani alyas Rasdi Macabangkit/Makabanket, 42-anyos, matapos na makatanggap ng  impormasyon na ito ang nangangasiwa ng Salaam Bazaar sa Novaliches Plaza Mall bilang ‘front’ ni  Ominta Romato Maute,  alyas  Farhana Maute.

Ayon kay Eleazar, si Malawani ay nadakip ng mga awtoridad sa bisa ng search warrant mula sa Branch 89 ng Quezon City Regional Trial Court sa bahay nito sa Blk. 4, Lot 2, Marytown Circle, Greenfields 1, Brgy. Kaligayahan, Novaliches, QC dakong alas-6:25 ng umaga nitong Huwebes, Oktubre 26.

Nakumpiska mula sa bahay ni Malawani ang isang Colt caliber .45pistol na may limang bala at isang rocket-propelled grenade, at iba’t ibang resibo ng bank transaction na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek.

Inaresto ang suspek sa paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, ayon kay Eleazar.

Ayon pa sa hepe, si Malawani ay iniuugnay umano kay Farhana ng Maute-ISIS inspired terrorist group  na namamahala sa kanyang Salaam Bazaar sa Novaliches Plaza Mall na umano’y tinukoy na source ng financier ng terrorist group na Maute sa Marawi City.

Si Farhana ay kasalukuyang nakapiit sa Bicutan Jail matapos maaresto sa Brgy. Kormatan, Masiu, Lanao Del Sur nitong nakalipas na Hunyo 2017.

Base pa sa intelligence ng PNP at AFP, ang suspek na si Malawani ay nagpapatakbo ng bazaar at kumukolekta ng renta mula sa stallholders na inire-remit umano sa Marawi City na sa huli ay napag-alaman na ipinapadala kay Azesha  Macabangkit-Maute alyas Lily na asawa ni Madie Maute  na umano’y isa sa sinasabing arkitekto ng Marawi siege. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?