56
james-jimenez
Dec 14, 2018 @ 15:32
By

Final list ng mga kandidato, malapit nang ilabas

Iniurong ng Commission on Elections (Comelec) sa susunod na linggo ang pagpapalabas ng pinal na listahan ng mga kandidato para sa mid-term elections sa Mayo 2019.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, inaasahang sa kalagitnaan ng susunod na linggo ay mailalabas na nila ang listahan.

Layon umano ng karagdagang panahon na maisaayos ng poll body ang mga isyu na may kinalaman sa kandidatura ng ilang politiko.

“The Comelec has announced that the release date for the final list of candidates for #NLE2019 has been moved to the latter half of next week. This will allow pending issues related to several candidacies to be settled, without negatively impacting the final contents of the 2019 ballot,” saad ni Jimenez.

Inaasahan umanong hindi makakaapekto ang nasabing pagpapaliban sa schedule of activities ng Comelec para sa eleksyon sa susunod na taon.

Kinakailangan kasing salain ng Comelec na ang lahat ng mga tumatakbo ay walang ligal na balakid para mapasama ang pangalan sa balota.

Hindi papayagang tumakbo ang lagpas na sa term limit at iyong mga pinal nang nahatulan sa kasong kriminal at napatawan ng panghabang-buhay na disqualification sa paghawak ng posisyon sa gobyerno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?