12

Oct 13, 2021 @ 11:49
By

Film festival ng MMDA sa Disyembre suportado ng mga negosyante

Suportado ng mga negosyante ang planong pagdaraos ng film festival ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa Disyembre.

Sinabi ni businessman at Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na gumaganda na ang sitwasyon sa Metro Manila kaya panahon na para magluwag sa mga ipinatutupad na paghihigpit ng hindi kinakailangang isantabi ang basic health protocols.

Mahalaga pa rin aniyang gawin ang mga pag-iingat kahit nagluwag na gaya ng paggamit ng face mask, madalas na paghuhugas ng kamay at pagsunod sa social distancing para matiyak ang kaligtasan laban sa virus.

“Cinemas, yes! Benhur Abalos was saying they’re going to have the film fest ‘no at the end of the year. I think we should celebrate that with the proper protocols ‘no,” ani Concepcion.

Pabor din aniya ang kanilang sektor na buksan na ang mga sinehan para makabawi sa pagkalugi ang mga cinema operator sa mahigit isang taong pagsasara ng kanilang mga sinehan.

Iginiit ni Concepcion na wala siyang nakikitang peligro sa pagbubukas muli ng mga sinehan dahil ginagamit nila ang mga ito sa pagbabakuna ng kanilang mga empleyado.

Kung hindi aniya ligtas ang mga sinehan ay hindi sana ito ginamit para sa vaccination rollout.

“Itong mga sinehan ginagamit namin pagbakuna ng mga empleyado namin. So kung ginagamit namin yan, eh di safe ang mga iyan di ba? We will not use that cinema if it’s not safe,” dagdag ni Concepcion.

Nasa 80% na aniya ang bakunado sa National Capital Region kaya 20%na lamang ang peligro at kapag nabakunahan na ang mga ito ay maaabot na ang target na population protection dahil marami na ang dumarating na supply ng COVID vaccines sa bansa. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?