227

Aug 2, 2021 @ 19:06
By

Filipino, Panitikan gawing required sa kolehiyo – grupo

Muling nanawagan sa pamahalaan ang isang grupo nitong Lunes para maibalik bilang core, o mandatory subjects sa kolehiyo ang mga asignaturang Filipino at Panitikan.

“Naging mahalaga ang papel ng Filipino at Panitikan para sa pagtatala at pagpapaliwanag ng mga usaping pangkalusugan at mga karanasan ng bayan,” pahayag ni David Michael San Juan, lead convenor ng grupong Tanggol Wika.

Dalawang taon na ang nakalipas simula ng panigan ng Korte Suprema ang memorandum ng Commission on Higher Education (CHED) na tanggalin bilang core subject sa kolehiyo ang Filipino at Panitikan.

Ngunit ayon sa grupo, sa kasagsagan ng COVID pandemic ay nasaksihan ang halaga ng pambansang wika bilang paraan ng pagpapaliwanag at komunikasyon sa publiko.

“Kaya marapat na bigyang prayoridad din ang pagsasabatas ng muling pagiging mandatory ng mga kursong ito,” dagdag pa ni San Juan.

Sa kasalukuyan ay nakabinbin pa rin sa Kongreso at Senado ang mga batas na magbabalik sa dalawang asignatura bilang mga core subject.

Bukod sa Filipino at Panitikan, tinutulak din ng grupo na maging core subject sa kolehiyo ang Philippine Government and Constitution at maging required subject sa high school ang Philippine History.

Ang kasalukuyang buwan ng Agosto ang Buwan ng Wikang Pambansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?