64
FEU Lady Tamaraws sinagpang ang UST
Mar 2, 2019 @ 17:55
By ,

FEU Lady Tamaraws sinagpang ang UST

Apat na set ang kinailangan ng Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws para padapain ang University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses 19-25, 25-20, 25-19, 27-25 sa pagpapatuloy ng eliminations ng UAAP Season 81 women’s volleyball, Sabado, Marso 2, sa Smart Araneta Coliseum.

Balikwas sa win column ang Lady Tamaraws matapos ang five-set defeat nito noong nakaraang Linggo kontra Ateneo de Manila University (ADMU) Lady Eagles.

Pasimuno sa opensa at depensa si Season 80 best middle blocker Celine Domingo nang pumutok ito ng 17 puntos, sa likod ng siyam na kills, anim na blocks at dalawang aces habang may 14 na puntos si Heather Guino-o.

Kinapos sa first set ang tropa ni Coach George Pascua kaya nanakaw sa kanila ito ng mga taga-Espanya sa pagsasabwatan nina Sisi Rondina, Eya Laure at Milena Alessandrini.

Naging agresibo naman ang Lady Tamaraws sa second set at sinamantala nito ang pagkawala ni Alessandrini sa court matapos nitong magtamo ng injury sa kaliwang tuhod dahil sa pangit nitong landing.

Nagsunod-sunod ang dominasyon ng Morayta-based squad sa second at third set pero umariba naman ang tropa ni Kung Fu Reyes nang burahin ang 24-21 na bentahe sa pasabog ni Laure.

May pagkakataon pa sanang maipwersa ng Tigresses sa isang decider set ang laro tangan ang 25-24bentahe pero nabura ito dahil sa service error ni Dimdin Pacres at attack error ni Laure.

Bumandera naman para sa UST si Laure nang humambalos ito ng 20 puntos.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?