361

Oct 23, 2017 @ 10:52

Fermina bus sinuspindeng muli ng LTFRB

Ikinakasa na ang muling pagsuspinde sa pag-arangkada sa kalsada ng Fermina Express Bus  matapos na maging sanhi ng karambola ng siyam na sasakyan kung saan isa ang napaulat na namatay at 22 ang malubhang nasugatan, na naging sanhi pa ng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Magugunitang una nang sinuspinde ng isang buwan ang Fermina Express Bus ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB),  matapos na banggain ang isang AUV sa North Luzon Expressway noong taong 2008. Nabatid na sa nasabing aksidente ay lima ang namatay at 51 ang malubhang nasugatan.

Nitong Biyernes ng gabi (Oktubre 20, 2017), muling naging pasimuno ang Fermina Express Bus sa banggaan kung saan isang janitor ng SM North ang namatay habang nasa 22 ang nasugatan sa naganap na  karambola ng siyam na sasakyan  sa Commonwealth Avenue.

Kinilala ang nasawi na si Dominador Petradive Cayna, 48  -anyos,  janitor ng SM North at  residente ng Lucas St.,Sto Nino, Payatas -A, QC. Siya ay namatay habang ginagamot sa ospital sanhi ng tinamong head injury at malalalim na sugat sa katawan. Ang mga  nasugatan naman ay isinugod  sa mga kalapit na ospital.

Si Cayna ay naipit sa nayuping sinasakyang pampasaherong jeep na kabilang sa karambola. Grabeng pagkabali ng buto at head injury ang tinamo ng biktima na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Quezon City Police District  (QCPD) Traffic Bureau, dakong alas-9:30  ng gabi  nang mangyari ang aksidente sa stop light ng Tandang Sora, Quezon City.

Batay sa report, binabaybay ng Fermina Express bus (ABD- 7702) na minamaneho ni Miel Cervantes, ang  Commowealth Avenue patungong Fairview nang bigla nitong salpukin ang nakahintong Renan Transit bus  (UVL-305).

Dahil sa red signal ang traffic light sa kanto ng Tandang Sora at Commonwealth Avenue kaya nabundol  ang dalawang pampasaherong dyip, 5 private vehicles at isang motorsiklo.

Bunsod ng aksidente ay nagkabuhol-buhol ang daloy ng trapiko, na tumagal ng ilang oras bago  naalis ang mga nagkarambolang mga sasakyang. Sinasabing nawalan ng preno ang Fermina bus kaya sinalpok nito ang nakahintong mga sasakyan.

Si Cervantes ay kasalukuyang nakapiit sa Police Traffic Sector 5 ng Quezon City Police District (QCPD), habang inihahanda ang kasong reckless imprudence resulting in homicide with multiple injuries and damage to property.

Nangako naman ang management ng bus company na sasagutin ang pagpapagamot sa namatay at sa mga nasugatan sa nangyaring karambola. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?