56

Sep 4, 2019 @ 17:16
By

Female motorcycle riders isasabak sa EDSA

Isasabak sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) ang mga babaeng motorcycle rider ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) upang gumabay sa daloy ng trapiko.

Ayon kay Brig. Gen. Eliseo Cruz, HPG director, katuwang ng mga female motorcycle rider ang mga lalaking traffic police enforcer na magmamando sa mabagal na daloy ng trapiko sa EDSA.

“Pulis man na lalaki o babae dapat makakasama sa pagresponde sa anumang krimen lalo na sa batas trapiko,” ayon kay Cruz.

Nilinaw ni Cruz na mayroon silang 20 policewomen na mga trained riders at traffic enforcement supervisors kaya tiyak na walang lusot ang mga motoristang maraming dahilan kapag naiipit na sa kaso.

“We are mandated to operate against carnapping, highway robbery, and hijacking and even we enforce traffic laws,” paliwanag ni Cruz.

Makikita sa kahabaan ng EDSA ang mga HPG All-Women Patrollers/Traffic Supervisors’ Unit mula alas-singko ng umaga hanggang alas-tres ng hapon. Alas-tres ng hapon hanggang ala-una naman ng madaling araw ang sunod nilang shift.

Kasunod nito, mayroon pang 48 policewomen na nakatakdang italaga para sa HPG on Motorcycle Riding Course.

Paliwanag ni Cruz, mga lalaking traffic police enforcer pa lang ang lehitimong tinalaga ng Land Transportation Office at MMDA na maglabas ng citation tickets sa mga pasaway na drayber at hindi pa mga babaeng rider ng PNP-HPG.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?