14

Federer nilaktawan si Krajinovic sa Indian Wells

Sharing is caring!

Kinailangan lang ni World No. 1 Roger Federer ng kaunting oras para ipagpag si Filip Krajinovic sa BNP Paribas Open sa California nitong Lunes para umabante sa ika-apat na round ng torneo.

Ginawang sandalan ni Federer ang malalakas na serves at pinpoint groundstrokes para walisin si Krajinovic.

Hindi nagpakita ng kapaguran ang 36-anyos na Swiss sa kabila ng tatlong araw na magkakasunod nang pumapalo sa Indian Wells.

Nagpakita ng dominanteng laro si Federer na nakuha ang 85 porsiyento ng kanyang unang service points at anim na aces.

Dahil hindi makakasabak sa torneo sina Rafa Nadal, Stan Wawrinka at Andy Murray, habang laglag na sina Novak Djokovic at Kei Nishikori, malinis na ang daan ng Swiss para mapagwagian ang ika-anim na Indian Wells title.

Pero hindi pa rin gustong magpakampante ni Federer.

“You can’t really look ahead to semi-finals, finals and speculate about who you could play,” ani Federer.

Sunod na makakapaluan ni Federer sa Miyerkoles si Jeremy Chardy ng France, na tinalo ang kababayan niyang si Adrian Mannarino nitong Lunes.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?