14

Jun 12, 2020 @ 18:00

Federer garahe na ngayong 2020

HABANG pinagde-debatehan pa ng mga opisyal kung safe nang ituloy ang mga nakalinya o ipinagpalibang major tournament ng tennis, binasag ni Roger Federer ang balitang hindi na siya maglalaro sa 2020 season.

“A few weeks ago, having experienced a setback during my initial rehabilitation, I had to have and additional quick arthroscopic procedure,” pahayag ni Federer sa Twitter.

“I will be missing my fans and the tour dearly, but I will look forward to seeing everyone back on tour at the start of the 2021 season.”

Pangalawang operasyon na ‘yun sa kanang tuhod ni Federer. Noong February ay ipinaopera na rin niya pagkatapos ng semifinals finish sa Australian Open at exhibition match kay Rafael Nadal sa Cape Town, South Africa.

Mag-39 na sa Aug. 8 si Federer, hawak pa rin ang men’s record ng pinakamaraming Grand Slam singles titles na 20.

March pa lang ay kanselado na ang tour dahil sa coronavirus. Sakaling ituloy ang mga torneo, mas malamang na bakante rin ang mga stadium na paglalaruan.

Sa unang pagkakataon sapul noong 1945, kinansela ang Wimbledon – unang torneo na tinarget ni Federer para bumalik.

Ang dalawa pang Grand Slam tournaments ng taon ay ang US Open na iniskedyul sa Aug. 31-Sept. 13, at ang French Open na ni-reschedule ng late September hanggang early October.

Noong 2016 ay kaliwang tuhod naman ang pinaopera ni Federer at nagpahinga ng anim na buwan. Pagbalik ng 2017, sinikwat niya ang Australian Open at Wimbledon. (VE)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?