162
migs-zubiri
Jul 16, 2018 @ 15:47
By

Federalism malabong lumusot sa Senado – Zubiri

Mismong kapanalig ng Malacañang na si Senador Juan Miguel Zubiri ang kumumpirma na malabo ang tsansa sa Senado ng pag-amyenda sa Konstitusyon para sa federalism.

Sinabi ni Zubiri na apat lamang silang senador na pabor o kaya ay bukas sa federalism.

Ito’y silang apat nina Senador Aquilino “Koko” Pimentel III at Senador Manny Pacquiao na pabor sa federalism bilang taga-Mindanao at Senate President Vicente Sotto III na bukas na pag-aralan ang federalism.

“So far these four are the only ones that have said that they are willing to look into this and push for it,” sabi ni Zubiri sa panayam ng ABS-CBN News Channel.

Kapag nagtipon ang Senado at Kamara bilang Constitutent Assembly (Con-Ass), sinabi ni Zubiri na ¾ o 18 ng 23 senador ang kailangang boto para sa federalism.

Alangan umano itong makuha dahil 17 lang ang senador mula sa majority bloc na sumusuporta sa Duterte administration.

May ilan pa sa mga ito na tutol sa federalism at mayroon ding pabor sa pag-amyenda sa Konstitusyon pero tutol sa overhaul nito.

Hindi naman umano mahuhugutan ng boto at suporta ang anim na taga-minority bloc dahil lantad na silang tutol sa pag-amyenda sa Konstitusyon at sa federalism.

Tinutukoy sina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senador Antonio Trillanes, Sen. Kiko Pangilinan, Sen. Bam Aquino, Sen. Risa Hontiveros at Sen. Leila de Lima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?