12

Apr 12, 2021 @ 9:31
By

FDA: Wala pang pamumuo ng dugo sa mga tinurukan ng AstraZeneca

Wala pang natatanggap na ulat ang Food and Drug Administration hinggil sa pamumuo ng dugo ng mga Pinoy na tumanggap na ng AstraZeneca COVID-19 vaccine.

Magugunitang pansamantalang pinahinto ng Department of Health ang paggamit ng AstraZeneca bakuna sa mga edad 59 pababa dahil sa posibleng side effect na blood clotting ng naturang bakuna.

“So far po, ang ating national adverse events following immunization committee, sumulat kahapon na wala naman daw na any cases reported ng blood clotting na connected sa bakuna dito sa atin,” ani FDA director general Eric Domingo sa ABS-CBN, Lunes.

Dagdag niya, hinihintay pa nila ang rekomendasyon mula sa PH vaccine expert panel at sa World Health Organization para sa updated na impormasyon sa usapin.

“Hindi naman natin tinigil sa senior citizen. Sabi lang natin, ‘yung 59 and below, tingnan muna natin ang datos para lang may complete information ang magbabakuna at babakunahan,” saad pa ng FDA official.

Nirekomenda ng FDA ang pag-awat sa pagtuturok ng AstraZeneca bakuna matapos sabihin ng European Medicine Agency na may posibleng link sa pagitan ng pagkuha ng COVID-19 vaccine ng AstraZeneca at ng blood clotting na may kasamang mababang platelet count sa ilang “very rare” na mga kaso.

Ayon pa sa EMA, karamihan sa mga kaso ay naiulat sa mga babae na edad 59 pababa, at 2 linggo matapos bakunahan.

Gayunman, punto ng EMA, mas marami pa ring benepisyo kaysa risk ang pagkuha ng AstraZeneca bakuna.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?