248

Sep 16, 2020 @ 17:35

FDA nagbabala vs pagkain ng Reno liver spread

Naglabas ng advisory ang Food and Drug Administration (FDA) tungkol sa pagbili at pagkain ng ilang food product kabilang na ang kilalang liver spread sa bansa.

Sa advisory na may petsang Aug. 26 at inilabas sa FDA website nitong Sept. 16, ang mga sumusunod na produkto ang hindi rehistrado sa ahensiya:

· Reno Liver Spread

· Miracle White Advance Whitening Capsules Food Supplement

· Turcumin 100% Natural & Standardized Turmeric Curcumin

· Desa Spanish Style Bangus in Corn Oil

· Samantha’s Dips and Sauce Spanish Sardines Paste Sauce

Napatunayan sa pamamagitan ng isinagawang online monitoring o post-marketing surveillance na ang mga nabanggit na food product at food supplement ay hindi dumaan sa proseso ng rehistrasyon ng ahensya at hindi nabigyan ng kaukulang awtorisasyon tulad ng Certificate of Product Registration.

Kabilang din sa mga hindi nakarehistro ang Memer Food products, KM Foods products, Special Wana’s Crab Paste, Baguio Special Strawberry Jam at The Original Romulo’s Thinnest and Crunchiest Chips.

Ayon sa FDA, dahil ang mga hindi rehistradong produkto ay hindi dumaan sa proseso ng pagsusuri at pag-eeksamin nila, hindi masisiguro ang epekto, kalidad at kaligtasan ng mga ito.

Ang mga nasabing iligal na produkto ay maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan. (IS)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?