11

Apr 8, 2021 @ 15:03
By

FDA inaprub ‘compassionate permit’ para sa Ivermectin

Inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang “compassionate special permit” application ng isang ospital para sa paggamit ng anti-parasitic drug Ivermectin.

“Ang pagkakaalam ko po may isang ospital sa amin na nag-apply ng compassionate special permit for the use of Ivermectin at ito po ay na-grant na ngayong araw na ito,” lahad ni FDA Director General Eric Domingo sa Laging Handa press briefing ngayong Huwebes.

Tumanggi siyang tukuyin ang ospital na nag-apply para sa “compassionate special permit” dahil sa privacy ng pasyente pero para umano iyon sa paggamot sa COVID-19.

Nilinaw din ni Domingo na hindi sila kontra sa Ivermectin kundi nais nilang iparehistro ito.

“Ito lang naman po palaging sinasabi ng FDA, hindi po kami kontra sa Ivermectin pero kailangan po irehistro ‘yung produkto at dumaan lamang po sa tamang proseso ng pagsiguro ng quality ng gamot na makakarating sa tao,” aniya.

Bago nito ay nauna nang sinabi ng FDA at ng Department of Health na hindi nila inirerekomenda ang paggamit ng Ivermectin laban sa COVID-19.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?