By

FDA, ihiwalay sa DOH – JV Ejercito

Sharing is caring!

Isinusulong ni Senate Health Committee Chairman Joseph Victor ‘JV’ Ejercito, na ihiwalay na ang Food and Drugs Administration (FDA) mula sa Department of Health (DOH).

Sa kaniyang Senate Bill 1631, iginiit ni Ejercito ang pag-amiyenda sa ilang bahagi ng Republic Act 9711 o ang FDA Act of 2009.

Alinsunod sa kasalukuyang batas, ang FDA ay nasa ilalim ng direktang pamamahala ng kalihim ng DOH.

Ipinaliwanag ni Ejercito na kasama sa mandato ng FDA ang mag-apruba sa mga programa o mga bibilhing gamot ng DOH.

Dahil aniya rito, nakokompromiso ang FDA dahil kinakailangan din nitong sumunod sa tanggapan na sumasakop sa kanila.

“Naisip ko lang kung ang FDA ay attached agency ng DOH, e compromise na siya. So, dapat talaga independent sila para kung anuman ang ipapasok ng DOH ay pag-aaralan nila, hiwalay sila,” paliwanag ni Ejercito sa Kapihan sa Senado.

Sa kaniyang panukala, nais ni Ejercito na isailalim na ang FDA direkta sa Office of the President (OP).

Ang panukala ay inihain ni Ejercito kasunod ng sinasabing iregularidad sa procurement ng Dengvaxia vaccine ng DOH.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?