72

Aug 7, 2018 @ 11:42
By

FB page ng kontrobersiyal na video ni Mocha, hindi sa PCOO – Andanar

Nilinaw ng Malacañang na hindi kabilang sa official page ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang Facebook page kung saan lumabas ang video ni Assistant Secretary Mocha Uson kaugnay sa pederalismo.

Sinabi ni PCOO Sec. Martin Andanar na si Uson mismo ang gumawa ng Facebook page kung saan nag-livestream ito kasama ang isang blogger at walang kinalaman dito ang kanyang tanggapan.

Aminado si Andanar na lahat ng sisi, puna at batikos laban kay Uson ay ibinabato sa PCOO pero ang katotohanan aniya ay walang pahintulot o basbas ang PCOO sa ginawa ni Uson at ang kasamang blogger.

“This was done in Facebook page na hindi po official ng government, official ng PCOO. Obviously, sila ni Asec. Mocha po ang gumawa nito at wala pong kinalaman ang PCOO dito, hindi po ito official, ang jingle na ito,” ani Andanar.

Sinabi pa ng kalihim na nasa planning stage pa lamang ang inter-agency sa mga gagawin sa information campaign sa pederalismo at magtatalaga ng official spokesperson sa mga susunod na araw.

Mayroon na aniyang mga personalidad na maaari nilang tapikin para magsalita tungkol sa pederalismo at mag-iikot sa bansa gayundin ang ilang lokal na personalidad na kilala sa mga lalawigan.

“Importante po ‘yung impluwensiya ng isang tao at ‘yung kukunin nating tagapagsalita must go through the training na gagawin po ng Con-Com para mas talagang maintindihan po nila nang husto ang konsepto ng federalism na ginawa ng Con-Com,” dagdag pa ni Andanar. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?