285

Jul 25, 2018 @ 11:43
By

Fariñas, nakipag-usap kay Speaker GMA – Suarez

Nagpahayag na umano ng intensyon ang grupo ni dating Speaker Pantaleon Alvarez para makuha ang minority bloc sa Kamara.

Ayon kay House Minority Leader Danilo Suarez, nakipag-usap na si dating House Majority Leader Rodolfo Fariñas kay Speaker Gloria Macapagal-Arroyo tungkol sa bagay na ito.

Gusto rin aniya nina Fariñas na magkaroon ng “smooth transition” ng liderato at para wala nang gulo ay sila na lamang ang bubuo ng minorya sa Kamara.

Sinabi ni Suarez na nasa 25 pang kongresista ang nananatiling kakampi nina Fariñas at Alvarez.

Binanggit din nito na si Fariñas ang naghahangad na maging minority leader.

Pero kung hindi umano ito magiging katanggap-tanggap sa ibang kongresista, lalaban si Suarez para manatili bilang minority leader kahit pa bumoto ito kay Speaker GMA.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?