commuters

Fare discount sa mga estudyante, ipatupad ngayong bakasyon – Angara

Sharing is caring!

Kahit bakasyon, dapat ipatupad pa rin ang 20 porsyentong diskwento sa pamasahe ng mga estudyente sa lahat ng uri ng transportasyon.

Ito ang iginiit ngayon ni Senator Sonny Angara sa kanyang panukalang batas, ang Senate Bill No. 1597 na naglalayong gawin nang araw-araw ang 20 percent fare discount ng mga mag-aaral sa lahat ng transport services.

Aniya, kahit sa holidays tulad ng Christmas break, summer vacation o weekends, dapat ay patuloy lamang ang pagpapatupad ng student fare discount.

“Hindi na dapat kailangang maghintay ng mga estudyante ng mga promo fare. Nararapat lamang na bigyan sila ng regular discount sa pamasahe sa eroplano at barko para makatipid sa pagbalik nila sa probinsya at pagbabakasyon,” ani Angara.

Sa kasalukuyan, ang ipinatutupad na fare discount ay base lamang sa isang memorandum circular ng LTFRB at nagagamit lamang sa land transportation tulad ng mga jeep at bus.

Ayon kay Angara, malaking bagay ang maitutulong ng pang-araw-araw na diskwento sa mga batang mag-aaral dahil maaari silang makapag-ipon mula rito. Ayon sa senador, maaaring maidagdag ng mga bata ang natipid nila sa pamasahe sa mga panggastos nila sa school supplies o kahit sa matrikula.

“Napakalaking tulong nito lalo na sa nga pinakamahihirap nating kababayan. Sila ang pinakamalaking bilang ng public transport commuters kaya’t malaking kaginhawahan ito sa kanila at sa kani-kanilang pamilya,” ayon pa kay Angara, kilalang tagapagsulong ng mga repormang pang-edukasyon at isa sa mga awtor ng Free College Law.

Sa ilalim ng panukala ng senador, sakop ng pinalawak na student fare discount ang mga mag-aaral mula sa mga basic at tertiary educational institutions na kinabibilangan din ng technical-vocational schools.

Lahat ng mag-aaral, ayon sa panukala ay may karapatan sa 20-percent discount sa mga regular na domestic travel fare tulad ng jeep, bus, UV Express vans, taxi at sa mga transport network vehicle service tulad ng Grab at Uber, MRT, LRT at domestic flight. Kailangan nga lamang na laging bitbit ng isang estudyante ang anumang katunayan na isa syang enrolled student o kasalukuyang nag-aaral. Kung walang dalang ID, maaari namang ipakita nito ang kanyang validated enrollment forms.

Nililinaw din ng panukala na hindi kabilang sa pagkakalooban ng expanded fare discount ang mga mag-aaral na kumukuha ng post-graduate studies tulad ng medisina, abogasya, masteral at doctoral degrees. Hindi rin sakop ng panukala ang mga estudyante ng short term courses.

Ang mga estudyante namang mag-a-abroad para mag-aral, mag-training at lalahok sa isang kompetisyon ay libre sa pagbabayad ng travel tax sa kondisyong maipakikita nila ang mga katunayan o dokumento hinggil sa layunin ng kanilang biyahe.

Sinuman o alinmang kumpanya ng transportasyon na tatangging magbigay ng student fare discount, ayon sa panukala ni Angara ay papatawan ng kaukulang multa mula P5,000 hanggang P200,000.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?