57

Jun 23, 2020 @ 17:02
By

Family backriding payagan na – Poe

Kung papayagan ang backriding sa motorsiklo, hindi lang nito mapapabilis ang pagbiyahe ng tao patungo sa kanilang trabaho kundi mababawasan din ang stranded na mga pasahero sa gitna ng kakulangan ng transportasyon sa panahon ng pandemya, ayon kay Senador Grace Poe.

Sabi ni Poe, kailangan lang naman sumunod ng mga rider sa health at safety protocol, kabilang ang kasalukuyang polisiya tulad ng pagsusuot ng helmet, para pigilan ang pagkalat ng COVID-19.

“Ang pag-angkas sa motorsiklo ay sariling paraan ng ating mga kababayan para makarating sa trabaho at makapaghanapbuhay para sa kanilang pamilya,” sabi ni Poe.

“Malaking kabawasan na ito sa mga stranded na pasahero na araw-araw ay hirap makasakay,” dagdag pa ng chair ng Senate committee on public services.

Ginawa niya ang panawagan sa gitna ng kakulangan ng masasakyan ng mga pasahero lalo na kapag rush hour, kahit na nagpakalat ang gobyerno ng ilang bus at ilang modernized jeepney sa mga kalsada sa Metro Manila .

Dahil hindi naman nadaraanan ang ilang daan ng mga bus at makabagong dyip, napipilitan ang mga mananakay na maglakad patungo sa mga loading station sa mga pangunahing lansangan.

“Malasakit ang panawagan ng ating mga manggagawang naglalakad ng kilo-kilometro bago makasakay. Ubos na ang lakas nila bago pa man makarating sa pinagtatrabahuhan o opisina,” diin ni Poe.

Binigyang-diin ng senador na bago pa man ang quarantine period, milyong Pinoy na ang nag-invest sa motorsiklo bilang kanilang transportasyon dahil bukod sa convenient ay mabilis pa ang kanilang biyahe.

“Nakakapanlumo na makita ang magkapamilya na sa pagpasok sa trabaho, ‘yung isa ay nasa motorsiklo at ‘yung isa ay naglalakad dahil bawal ang angkas,” ayon kay Poe.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?