1,267

Dec 28, 2017 @ 12:37

Fajardo kay Bono: Ang bigat niya, tapos malaki din

Hinangaan ni San Miguel star June Mar Fajardo ang performance ni Meralco Bolts veteran Ken Bono na mala-pader na dumepensa sa kanya sa second half ng kanilang PBA Philippine Cup game kagabi sa Ynares Center sa Antipolo.

Naitakbo ng Beermen ang 103-97 win para sa kanilang ikalawang sunod na panalo.

Nakatapos na may 26 points at nine rebounds ang four-time Most Valuable Player para tulungan ang SMB na manatiling wala pang talo pero pinahirapan siya ni Bono na saglit nirelyebo si Jason Ballesteros para depensahan si Fajardo.

Nilimitahan ni Bono, na bihirang gamitin ng Bolts, sa dalawang puntos lang sa third si Fajardo na isa rin sa rason kaya nakabalik ang Meralco mula sa pagkakaiwan ng 22 puntos.

Walong malalaking puntos ang kinana ng 2006 UAAP Most Valuable Player na si Bono.

Pero nakasilip ng paraan si Fajardo para makaiskor kay Bono at sa frontline ng Bolts, kung saan may 13 points siya sa payoff period para sundan ang panalo nila at mauna sa standings sa NLEX.

“Ang bigat niya e, tapos malaki din,” ani Fajardo sa pahayag nito sa PBA. “Alam naman natin ‘yung style ni Bono e, galing ng pick and pop niya e. Maganda nilaro niya, maganda pagkahugot sa kanya so respect.”

Masaya naman si Bono na nagawa ang inatang na tungkulin sa kanya ni Bolts coach Norman Black kahit pa natalo sila sa bandang huli.

“Ginawa ko lang best ko na makatulong sa team,” ani Bono. “Actually di mo naman maiistop si Fajardo e, kailangan ma-contain mo lang. Kaya thankful ako sa opportunity na binigay ni coach.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?