227

Oct 20, 2017 @ 15:02

Faeldon sa NBP ang bagsak kung ‘di titigil sa kayabangan – Lacson

Nagbanta si Senador Panfilo Lacson na ipatatapon si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon sa New Bilibid Prisons o kaya’y sa Pasay City Jail.

Galit ang senador sa muling pagbanat ni Faeldon sa kaniyang anak na si Panfilo “Pampi” Lacson II na inakusahan nito ng cement smuggling at patuloy ang pagtanggi na tumanggap ng tara o suhol nung nakaupo pa sa Bureau of Customs (BOC).

“Kapag hindi tumigil sa kayabangan at hypocrisy nya, baka magising siya isang umaga naroon na siya sa Building 14. O magruruta ako ng resolusyon para ilipat siya sa Pasay City Jail,” banta ni Lacson.

Ang Building 14 ay bilangguan sa maximum security compound ng NBP para sa mga notoryus at big time na drug trafficker.

Nauna rito, isiniwalat ni Lacson ang report ni Customs Commissioner Isidro Lapena ukol sa napag-alaman na P107 milyon na “pasalubong” na natanggap ni Faeldon nung maupo ito sa BOC.

Mas mataas iyon sa unang ibinulgar ni Lacson sa isang privilege speech na P100 milyong pasalubong ni Faeldon.

Kasunod nito, bumuwelta si Faeldon. Iginiit kay Lacson na atupagin ang cement smuggling ng anak na si Pampi.

Diin ni Lacson, walang cement smuggling dahil hindi naman ito ipinagbabayad ng Customs tax at duties.

“Either nagmamaang-maangan siya o istupido talaga siya.” Diin ng galit na senador.

Higit isang buwan nang nakakulong sa Senado si Faeldon.

Ipinakulong ito dahil na-contempt bunsod ng pagtangging humarap sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee ukol sa drug smuggling at sa katiwalian sa BOC kung saan ito idinidiin. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?