By

Faeldon, inabsuwelto dahil alagad ni Duterte — Trillanes

Sharing is caring!

Alagad ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon.

Ito ang nakitang dahilan ni Senador Antonio Trillanes IV kaya inabsuwelto ng Department of Justice (DOJ) si Faeldon mula sa habla kaugnay ng smuggling ng mahigit 604 kilogram ng shabu.

Ayon sa senador, nakakadismaya ito dahil nakakaligtas sa mga kasong kriminal ang mga kapanalig ng Pangulo habang ang ibang nasasangkot sa drug cases ay pinapatay.

“Kapag mga mahihirap, patay agad. Pero kapag alagad ni Duterte, absuwelto sa kaso,” sabi ni Trillanes.

Aniya, walang ipinagkaiba si Faeldon kay Police Supt. Marvin Marcos, dating director ng PNP CIDG Region 12, na pinararatangan na sadyang pumatay kay dating Albuera Mayor Ronaldo Espinosa habang nasa loob ng kulungan.

Hindi ito kinasuhan ng murder, tinaasan ang ranggo at binigyan ng magandang assignment.

Ayon kay Trillanes, ngayong inabsuwelto si Faeldon at mga kasamahan sa BOC, malaking tanong kung sino ang responsable sa paglusot ng puslit na shabu.

“Gaya lang ‘yan ni Supt. Marcos. Ang tanong ngayon, sino na ang responsible sa pagpasok ng P6.4 bilyon shabu? ‘Yung security guard ng Customs? Mr. Duterte, pinagloloko mo ‘yung mga tao,” pahayag ni Trillanes.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?