41

Dec 28, 2017 @ 13:44
By

Faeldon magtatrabaho kahit nakakulong – Palasyo

Hindi balakid ang patuloy na detensiyon ni bagong Office of the Civil Defense Undersecretary Nicanor Faeldon sa Senado para gampanan ang kanyang trabaho.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang OCD ay policy making body at kaya namang gumawa ng mga polisiya kahit sa loob mismo ng Senado.

Sakali aniyang may mga pulong na dapat daluhan si Faeldon, maaring gawin ito sa Senado dahil lahat ay maari namang pumasok sa senado.

“Sa tingin ko ay hindi naman magiging balakid itong pagkadetini kay dating Commissioner Faeldon. Kaya naman kasing gumawa ng policy making doon sa loob ng senado mismo. Mayroon namang library ang Senado at I’m sure puwede siyang magkaroon ng researches diyan,”ang pahayag ni Roque.

Sa kabila ng patuloy na detensiyon ni Faeldon sa Senado, sinabi ng kalihim na wala silang balak na payuhan itong humarap na sa pagdinig ng senado para sagutin ang mga isyu kaugnay sa nakapuslit na container van na naglalaman ng malaking halaga ng shabu.

“Nasa kaniya na po iyan. Hindi po namin panghihimasukan iyan. Pero ngayon mayroon na siyang bagong katungkulan,eh baka po maisip na ni Captain Faeldon na itigil na nga ito ng sa ganon ay makapag-discharge na siya ng kanyang katungkulan on a full time basis,” dagdag pa ni Roque.

Sari-saring reaksiyon mula sa mga mambabatas ang panibagong puwesto na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Faeldon sa kabila ng hindi pa nito nasasagot na kontrobersiya sa Bureau of Customs.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?