260

Dec 28, 2017 @ 14:26
By

Faeldon kulong pa rin sa Senado kahit may bagong puwesto – Koko

Hindi palalayain ng Senado si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon kahit binigyan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte ng bagong puwesto.

Itinalaga ng Pangulo si Faeldon bilang deputy administrator ng Office of Civil Defense (OCD).

Ayon kay Senate President Koko Pimentel, pakakawalan lang nila si Faeldon kapag nabura na ang dahilan kung bakit ito ikinulong sa gusali ng Senado.

Si Faeldon ay ipina-contempt ng Senate Blue Ribbon Committee dahil sa pagtangging humarap sa mga pagdinig nito ukol sa pagpupuslit ng 604 kilograms ng shabu at ukol sa mga katiwalian sa Bureau of Customs (BOC) sa pamumuno nito.

“The solution to a problem like contempt is to purge yourself of the contempt. Not a new appointment or position in government. No effect po iyan sa kanyang detensyon,” pahayag ni Pimentel.

Matatandaang nagkusa si Faeldon na tumungo sa Senado nu’ng lumabas ang arrest order laban dito pero patuloy na tumangging humarap sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee kahit ito ay inabisuhan.

Hindi ito ipinakaladkad ni Senador Richard Gordon, chairman ng Blue Ribbon, at ng iba pang mga senador upang hindi raw maibigay ang gusto nitong drama para magmukhang martir.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?