74

Sep 24, 2017 @ 18:54

Faeldon kakasuhan ng graft, economic sabotage

Ikinakasa na ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang mga kasong graft at economic sabotage laban kay dating Bureau of Customs Commissioner Nicanor Faeldon kaugnay ng tara system at iba pang katiwalian sa ahensya.

Ayon kay Lacson, kumpleto na ang mga kailangan nilang dokumento para sa paghahain ng kaso laban kay Faeldon at iba pang sangkot sa iregularidad.

“Kumpleto na ang dokumento na nakalap namin para maka-file ng kaso sa anti-graft at ibang kaso economic sabotage against former commissioner Faeldon. Kumpleto ang dokumentom” saad ni Lacson.

Patuloy pa rin anya ang pagdating ng mga dokumento mula sa iba’t ibang source.

Gayunman, nagiging problema anya nila ang paghahanap ng oras sa paghahain ng kaso subalit susubukan nilang itong isingit sa mga schedule sa susunod na linggo.

Sa pagdinig naman anya ng Senate Blue Ribbon Committee sa Lunes hinggil sa tara system sa BOC ay ipalalatag niya kay Customs fixer Mark Taguba ang mga dokumento nito hinggil sa pagbabayad niya ng tara sa iba’t ibang tanggapan sa ahensya.

Iginiit pa ni Lacson na mas makabubuting humarap si Faeldon sa naturang pagdinig upang marinig niya mismo ang detalye ng tara sa dati nitong pinamunuang tanggapan.

“Kung gusto niya, mag-testify `yan para pakinggan ang sasabihin ni Taguba kung magkano napupunta sa office niya,” saad ni Lacson. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?