By

Faeldon, iba pa lusot sa P6.4-B drug smuggling case

Sharing is caring!

Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang reklamong inihain ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) laban sa mga dating opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BOC) kaugnay ng pagkakapuslit sa bansa ng P6.4 bilyon na halaga ng shabu shipment mula sa China.

Ito’y sina dating Commissioner Nicanor Faeldon, dating BOC Director Milo Maestrecampo, dating Director Neil Estrella, Intelligence Officer Joel Pinawin, Intelligence Officer Oliver Valiente, Atty. Jeleena Magsuci, Atty.

Philip Maronilla, Alexandra Ventura, Randolph Cabansag, Dennis Maniego, Dennis Cabildo at John Edillor.

Nabigo raw kasi ang PDEA na ilahad ang partikular na nagawa o naging kapabayaan ng mga BOC personnel kaugnay ng shabu shipment.

Hindi rin umano sapat ang ebidensiyang iprinisinta ng PDEA para pagbatayan ng probable cause.

Ibinasura rin ng DOJ ang reklamong paglabag sa Section 32 ng RA 9165 na inihain ng PDEA laban sa mga agent at investigator ng NBI-Anti Organized and Transnational Crime Division na sina Atty. Dennis Siyhian, Atty. Marie Catherine Nolasco, Marfil B. Baso, Joselito C. Guilen, Darwin Francisco at Edgardo Kawada.

Ayon sa panel of prosecutors, salig sa itinatakda ng panuntunan ng Dangerous Drugs Board at ng Supreme Court jurisprudence, makatuwiran kung bakit kinailangan na manatili sa kustodiya ng NBI ang 500 kilo ng nasamsam na shabu na kanilang sinuri at inimbestigahan.

Hindi rin pinaboran ng panel of prosecutors ang reklamo ng PDEA laban sa mga corporate officer ng Hong Fei Logistics, pati na ang reklamong maintaining a drug den laban kay Emily Anoche Dee dahil wala naman daw itong alam na ang kanyang property ay rerentahan pala para pag-imbakan ng shabu.

Maging ang kaso laban kay Fidel Anoche Dee na inihain ng NBI-AOTCD ay ibinasura rin dahil may nauna nang kaso na inihain laban sa kanya ang PDEA kaugnay ng shabu shipment.

Salig naman sa umiiral na panuntunan sa DOJ, ang mga respondent na ang reklamong paglabag sa RA 9165 ay nabasura ay sasailalim sa automatic review ng Tanggapan ng Kalihim ng DOJ.

Samantala, kinasuhan na sa korte ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act o Republic Act 9165 ang siyam na respondent sa pagkakapuslit sa bansa ng shabu shipment.

Sa joint resolution ng DOJ Panel of Prosecutors, nakitaan ng probable cause para sampahan ng kasong paglabag sa Section 4, in relation to Section 26 (a) ng RA 9165 na tumutukoy sa importation of dangerous drugs ang siyam na mga respondent na kinabibilangan nina: Chen Ju Long, alyas “Richard Tan” o “Richard Chen” na chairman ng Hongfei Logistics Group of Companies at may-ari ng Valenzuela warehouse; Li Guang Feng, alyas “Manny Li”, na tumulong umano sa pangangasiwa ng mga dokumento ng shipment; Dong Yi Shen Xi, alyas “Kenneth Dong”; Mark Ruben G. Taguba II, na isang private broker; Eirene Mae A. Tatad, ng EMT Trading na ginamit umano ni Taguba para maging consignee ng shabu shipment; Teejay A. Marcellana, isa ring customs broker; Chen I. Min at Jhu Ming Jhun, mga Taiwanese na umupa ng warehouse sa Valenzuela kung saan nasamsam ang mahigit 600 kilo ng shabu; at Chen Rong Huan.


Ayon sa DOJ, mayroong indikasyon na ang nasabing mga respondent ay nagsabwatan para maipasok sa bansa ang shabu shipment.

Ang kaso ay inihain sa hukuman sa Valenzuela City at walang inirekomendang piyansa ang DOJ para sa pansamantalang paglaya ng mga respondent na ngayon ay itinuturing nang akusado. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?